by Arnold Clavio

Kahapon, ika-8 ng Marso, taong 2016, namatay si Katarungan sa Pilipinas.

Habang sinusulat ko ang kolum na ito, inaamin ko na ako ay patuloy na nanginginig. Sa isang sulok, malayo ang tingin ko sa dingding.

Matapos kong marinig ang desisyon ng Korte Suprema sa radyo, pinipilit kong ibalik ang aking katinuan. Hinahagilap ko ang tamang maramdaman pero nanaig ang manhid.

Dahil ba sa ngitngit o sa lungkot o pareho? Hindi ko alam. Ang tanong na bumabagabag ay papaano na ‘di nakita ng mayorya ng mahistrado ang mala­king tuldok sa gitna ng papel na puti?

Wala akong masamang tinapay para sa ambisyon ni Sen. Grace Poe na maging pangulo ng republika pero higit na dapat na mangingibabaw sa akin ang batas sa anumang personal na interes.

Kahapon, ibinaba ng mga mahistrado ang kanilang desisyon kaugnay ng isinampang petisyon ng kampo ni Poe na kumukuwestyon sa desisyon ng Commission on Election na ibasura ang kanyang Certificate of Candidacy (COC).

Ang resulta – siyam na mahistrado ang pumabor sa petisyon ni Poe at anim naman ang pumabor sa desisyon ng COMELEC.

Ang siyam na bumoto para kay Poe ay sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, Presbiterio Velasco, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Jose Perez, Jose Mendoza, Marvic Leonen, Francis Jardeleza at Alfredo Benjamin Caguioa.

Sina Sereno, Leonen, Jardeleza at Caguioa ay pawang mga PNoy appointees.

Ang anim na bumoto para ibasura ang petisyon ni Poe ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Leonardo-De Castro, Arturo Brion, Mariano Del Castillo, Bienvenido Reyes at Estela Perlas-Bernabe.

Nagkulang ba ang mga kinatawan ng COMELEC sa Korte Suprema na maipaliwanag at mapanindigan ang kanilang desisyon na huwag payagan na makalahok sa National Elections si Poe? Hindi pa ba sapat ang mga argumento na kanilang inihain para ‘di makumbinsi ang siyam pabor sa desisyon ng komisyon?

O mas nakita ng mayorya ng mga mahistrado na mas may dakilang tungkulin sila sa bansa na mapigilan ang pagwawagi ng isang kandidato na hindi ineendorso ng taong may malaki silang utang na loob kung nasaan man sila ngayon? At si Poe ang posibleng malaking tinik at balakid sa panalo ni Vice President Jejomar Binay kung papayagan siyang matuloy sa pagtakbo. Sina Poe at Binay ay ‘technically tie’ sa mga naglalabasang political survey ngayon.

Paano naman ang wisdom ng anim na mahistrado na naniniwalang tama ang naging desisyon ng mga opisyal ng COMELEC laban kay Poe?

Ang pinakaproblema ko ay kung papaano ko ipapaliwanag sa mga susunod na henerasyon kung ano ang nangyari?

Papaano na ang malinaw na sinasaad ng batas kaugnay ng mga requirement para makalahok sa halalang pampanguluhan ay mabalewala?

Hindi na lang isyu ang natural-born citizen o pagiging ampon ni Poe, na isang emosyonal at sensitibong usapin, pero sa kuwestyon ng kanyang bilang ng pananatili sa bansa.

Ayon sa Saligang Batas, sampung taon ang kailangan ng isang kandidato na tuluy-tuloy na pagtira niya sa bansa para maging kwalipikado sa pagtakbo sa posisyon ng pangulo.

Sa kanyang inihain na COC na kanyang personal na nilagdaan na totoo ang mga nilalaman na detalye nang tumakbo si Poe bilang senador noong 2013, inilagay niya na siya ay may anim na taon at anim na buwan na naninirahan sa Pilipinas.

Maliwanag na may kakulangan na tatlong buwan ang kanyang paninirahan sa bansa sa panahon na maghain siya ng COC para sa panguluhan noong Disyembre, taong 2015.

Para kay Poe, ito ay isang pagkakamali lamang na sa pagtaya ng COMELEC ay sinadya niyang manlinlang at manloko sa kanyang dokumento.

Ngayon, papaano mo susundin ang panawagan na irespeto ang desisyon ng mayorya ng Korte Suprema na posibleng ma­ging batayan sa ‘kasong diskwalipikasyon’ na isinampa laban din kay Poe?

Minsan, kundi man nadadalas, kung magbiro ang tadhana. Maaari pala na ang batas ay iayon sa kagustuhan nila kahit na ito ay baluktot.

Mabuti pa ang mga bulag, mas nakikita pa nila ang liwanag kung ikukumpara naman sa mga nakakakita nga na hindi maaninag ang katotohanan.

Mabuti pa ang bingi, naririnig ang tama sa paligid maging ang tunog ng batingaw kaysa naman sa mga may pandinig nga pero nagbibingi-bingihan sa tama at ang naririnig ay ang bulong ng mga huwad.

Mabuti pa ang mga pilay, araw-araw na nakikipagbuno makarating lang sa pupuntahan kung ikukumpara naman sa taong kumpleto nga ang bahagi ng kanilang katawan pero nililigaw naman tayo sa hinaharap.

Totoo ba na para sa magandang kinabukasan ang mga nangyari?

Paano ko pagtatakpan ang ginawang pambabastos ng mga umaangking may talino sa umiiral na batas sa aking mga apo at magiging anak ng aking mga apo?

Paano ko aasahan na simula ngayong araw, ay su­sunod pa rin sa batas ang mga Pilipino gayong ang mga nakala­lamang sa kaalaman ang siyang nauunang lasunin ito?

Ito ba ang pangako ng EDSA People Power Revolution?

Pagkatapos ng diktaduryang pamamahala ay ito na ang resulta?

Ang sakupin tayo ng isang gobyerno na hinulma na para maging isang malaking sindikato?

Ngayong araw na ito, nakikiramay ako kay Katarungan.

Lord, Kayo na po ang bahala.

SOURCE

 

P.S. Recommended Business for YOU – Click Here! 

PS2: You can download the Free Ebook of Bro. Bo Sanchez – “My Maid Invests in the Stock Market” and learn how to invest in the stock market and get Bro. Bo as your Financial and Spiritual  Mentor  – Click Here!

PS3: FREE VIDEOS on how to ATTRACT lots super interested PROSPECTS willing to JOIN your business using the power of INTERNETClick Here!

 

HOW to EARN Php450K UNLIMITED, WATCH VIDEO:

For more information about the business opportunity – Click Here! 

 

Advertisements